Mahal kong Papa,
Patawarin mo po ako sa lahat ng aking mga nagawa sa iyo, sa lahat ng pagsuway at hindi ko pagsunod sa iyo. Gusto ko pong malaman mong mahal kita. Kahit na minsan may mga beses na gusto kitang kasuklaman dahil sa mga pagpapagalit mo sa amin. Ngunit kahit na ganoon, alam kong para iyon sa ikabubuti namin.
Hindi ko maisip ang buhay kung wala ang iyong mga aral at karunungan. Tinuruan mo kami ng aking mga kapatid kung ano ang kahalagahan ng pagta-trabaho nang matiyaga, pagiging matatag at pananampalataya sa Diyos. Maraming salamat sa pagmulat sa amin kung paano lumaban sa buhay at kung paano mamili ng hindi sa dapat. Maraming salamat din sa lahat ng ibinigay mo sa amin, sa pagtustos sa aming mga pangangailangan at pagbigay sa aming mga kagustuhan.
Alam ko ang lahat ng pagsisikap na ginagawa mo, Papa. Ngunit sa edad kong ito, napakalaki na agad ang paghanga ko sa iyong mga natamo at mahalaga iyon sa akin. Pero tandaan mo, Papa, kung may mangyari mang masama sa trabaho mo, kung lahat ng tao’y nawawalan na ng tiwala sa’yo, tandaan mong may isang taong susuporta sa iyo kahit anong mangyari, may isang taong magtitiwala sa iyo kailanman, may isang taong magmamahal sa iyo at may isang taong hindi ka kalilimutan kailanman.
At ang taong iyon ay ako, Papa.
Ang iyong anak,
Yang
0 (mga) puna:
Mag-post ng isang Puna